Pagod na pagod ako. Super pagod from work, from the recent event at Araneta Coliseum for Blessed John Paul II, kakabigay ng mga talks and lectures, etc. etc. etc. Yan din siguro ang mga nasasaloobin ng mga katulong o mga taong naglilingkod para sa iba... Pagod.
Minsan nga nakakapagod din ang magpaalipin. Gusto naman natin, minsan, tayo naman ang sundin at mag-utos. Tayo ang maging boss at ipadama sa iba ang pagod at hirap na ating dinaranas.
Ngunit bakit nga ba kailangan may maglingkod at may paglingkuran?
Ang paglilingkod ay tanda ng pagpapakumbaba.
Minsan, kahit ayaw mo, kailangan mo pa rin sumunod, or else gutom ang aabutin mo o kaya'y sama ng loob mula sa amo mo. Ang hirap sumunod ngunit ang pagsunod sa nakakataas ay tanda ng pagpapakumbaba.
Ang paglilingkod ay tanda ng pag-ibig.
Gagawin mo kahit ayaw mo, pero kailangan mong gawin dahil iniisip mo ang kapakanan ng iyong pinaglilingkuran. Puso ang dapat umiral. Ang mga marunong maglingkod ay mga taong marunong magmahal. Ang mga taong nagmamahal ay mga taong dapat naglilingkod.
Tulad ng asno na ginamit ng Panginoon sa pagpasok sa Jerusalem o ang asno na ginamit ni San Jose sa pagdala kay Inang Maria sa kanyang pagdadalang-tao, wala siyang kamalay-malay basta't ginawa niya ang kanyang hanapbuhay na paglilingkod. Sumunod siya at pinaglingkuran ang kanyang pasahero. Pero sa kanyang pagsunod at pagpapakumbaba, pag-ibig at pagtitiis... Kanyang nalaman pagkatapos na ang Panginoon pala ang kanyang pinaglingkuran, ang kanyang Tagapaglikha pala ang kanyang pasan.
Nawa tayo ay mag-asam pa na maglingkod. Dahil ang paglilingkod ay paraan upang maging Kristo sa iba: mapagkumbaba at nagmamahal.