Sa gitna ng ating karupukan, kahinaan, at kasalanan, Siya pa ang may lakas-loob na tawagin tayo sa ating pangalan at mahalin upang madama natin na siya ang Hari ng pagkatao at puso natin.
Sa lahat ng Hari, siya ang hindi nang-uutos, bagkus siya pa nga ang ating inuutusan sa ating mga kahilingan. Ngunit hindi niya ipinagkakaila ang kanyang tulong dahil sa pagmamahal niya sa atin.
Walang makakatalo sa Hari dahil siya pa ang nagnais na mamatay para sa kanyang sambayanan upang maligtas tayo sa kasalanan at kamatayan. Hindi niya ininda ang sakit at hirap, dusa at kamatayan dahil ang pag-ibig niya ay wagas at walang hanggan.
'Yan ang ating Hari, si Hesus ang Hari ng puso ng bawat tao. Ngunit bakit minsan ang tao ang naghahari sa kanyang sarili at sa iba? Hindi pa ba sapat na ipinakita ni Hesus na siya ang tunay na hari ng lahat sa sanlibutan? Ano pa ba ang kulang upang maako niya ang tanan?
Wala siyang pagkukulang, dahil sa katotohanan, tayo ang nagkulang. Nagkulang tayo sa pagkilala natin sa kanya, sa pagmamahal sa kanya, at sa pagtanggap na siya ang Hari ng puso at pagkatao natin. Hayaan natin mabuksan ang ating mga puso at isipin upang matanggap natin na si Hesus nga ang tunay na hari ng lahat.
Hesus, aming hari, maghari ka sa aming puso at sa puso ng bawat tao. Amen.
