Sunday, February 19, 2012

February 19, 2012 - Seventh Sunday in Ordinary Time



“Nova Omnia Facio,” ang mga salitang ito ay ipinakikita sa mga ginagawa ng ating Panginoon. Hindi niya iniisip kung anu man ang kinasanayan o kultura na pumipigil sa kabutihan, bagkus ang nasa isipan at puso n’ya ay mapaglingkuran at bigyan ng bagong pag-asa ang lahat ng lumalapit sa kanya.

Ngunit ang pinaka-maganda na ginagawa ng pagbabago ng ating Panginoon ay ang pagbabago sa ating mga sarili. Sa Salmong Tugunan, ang paghilom ng diwa at kaluluwa ang inuuna ng Panginoon dahil dito nagmumula ang kapayapaan at kagalingan na kinakailangan ng ating pangangatawan. Ang inner peace, na kung tawagin, ay isang biyaya ng kagalingan at pagbabago ng ating Panginoon.

Tayo ngayon ay naghahanda sa paglalakbay na tinatawag nating Kuwaresma. Sa linggong ito, hingin natin sa Panginoon ay biyaya ng isang pagbabago: pagbabago ng ugali, pagbabago sa puso, at, higit sa lahat, ang biyaya na maging instrumento ng pagbabago ng iba.